Pinawalang-bisa na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya sa pagmamaneho ng isang naka-sports utility vehicle (SUV) na nagmaneho kontra sa daloy ng trapiko sa loob ng EDSA Busway sa Guadalupe, Makati noong Hulyo.
(Screenshot mula sa viral video ng nag-counterflow na SUV sa EDSA Busway)
Ang driver ng SUV na si Christopher Jude de Vera , 38 taong gulang, ay inihatid pa umano ng mga tauhan ng Department of Transportation (DOTr) sa inuuwian nitong condominium sa Taguig City.
Sa anim na pahinang desisyon ng LTO, sinabi nitong may dapat panagutang kasong administratibo si de Vera dahil binalewala nito ang mga senyas trapiko sa pagpasok sa EDSA Busway na eksklusibo lamang para sa mga pampasaherong bus ng EDSA Carousel at sumalubong pa ito sa trapiko.
Bukod dito, natagpuan din na lasing sa alak si de Vera at walang karapatang magmaneho sa ilalim ng Republic Act 4136.
"His driver's license is ordered revoked and shall be surrendered at the Intelligence and Investigation Division. Failure to surrender his driver's license shall subject any motor vehicle driven by Mr. De Vera to impounding if apprehended and he will be cited for driving without a valid license," ang pahayag ng LTO sa desisyon nito.
Pinatawan din si de Vera ng multang P2, 000 para sa dalawang paglabag sa trapiko at kailangan ding sumailalim ng road safety seminar.
Nag-viral ang video ni de Vera noong Hulyo kung saan ibinunyag pa ni Senador Raffy Tulfo na tatlong tauhan ng DOTr Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang nag-escort kay de Vera pabalik sa condominium unit nito sa Taguig sa halip na dalhin ito sa isang istasyon ng pulisya dahil nakainom ito habang nagmamaneho.
Driver ng SUV na Pumasok sa EDSA Busway at Sumalubong sa Daloy ng Trapiko, Kinanselahan na ng Lisensya | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: