Mayroon na ulit plastic cards para sa driver's license ang Land Transportation Office (LTO) at maaari nang magpa-renew ng kanilang na-expire na lisensya ang mga nagmamaneho.
Gayunman, sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na mayroon silang itinakdang schedule para sa mga drivers na magpapapalit ng kanilang lisensya kung saan ang maaari lamang munang magpa-renew at mabibigyan ng plastic cards ang mga paso na ang lisensiya mula Abril 1 hanggang Setyembre 30 ng taong ito.
Ang mga paso na ang lisensya noong Abril 1 hanggang 30 ay maaaring makapagpapalit ng lisensya sa Oktubre 6 hanggang 31.
Ang mga nag-expire naman ang lisensiya noong Mayo ay maaari lamang makapagpa-renew sa mga LTO branches sa buong buwan ng Nobyembre ng taong ito.
Sa mga nag-expire naman ang driver's license noong June, ang kanilang bagong lisensya ay makukuha sa Disyembre.
Ang mga nag-expire naman noong Hulyo ay sa Enero ng susunod na taon na ang renewal; ang mga paso na noong Agosto ay sa Pebrero naman puwedeng kumuha ng bagong driver's license; at ang mga nag-expire naman ng Setyembre ay sa Marso ang renewal.
Ang mga mag-e-expire ngayong Oktubre hanggang Disyembre ay maaari pang gamitin ang kanilang mga lisensiya habang hindi pa nakapagtatakda ng schedule para sa renewal na kung saan plastic card na ang ibibigay at hindi print-out sa papel.
Ang mga driver's license na nag-expire noong Abril 1 at sumunod na buwan na hindi na-renew dahil sa kakulangan ng mga plastic cards ay mapapalawig din ang paggamit ng mga ito hanggang hindi dumarating ang kanilang renewal schedule.
Ang mga may lisensiyang naka-print sa papel ay kailangan lamang bumisita sa LTO branches at ipakita ang kanilang resibo ng pagbabayad para maibigay ang kanilang plastic driver's license.
Ang inilalabas ngayong driver's license ng LTO ay maaaring magamit ng sampung taon, batay sa Republic Act (RA) No. 10930 na nagrebisa sa Land Transportation and Traffic Code.
Kailangan lamang na malinis ang record ng mayari ng driver's license at maipapasa nito ang Comprehensice Driver's Education (CDE) course na kinabibilangan ng refresher seminar at eksaminasyon.
Pumunta sa LTO portal para sa dagdag na detalye: https://ltoportal.ph/lto-drivers-license-renewal/
(Photos by LTO)
Driver's License na Plastic Card, Available na Ulit | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: