Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na ipinataw nila ang 90-day preventive suspension sa driver's license ng lalaki dahil nagpanggap itong may otoridad na nagpipilit kumuha ng lisensiya ng kaalitan niyang truck driver.
Isang social media video na ipinost ng isang "Pareng Hulyo" sa Facebook ang nagsalaysay na nagkasabay ang kanyang trak na minamaneho at ang SUV ng lalaki bandang 11:30 am sa C5 Taguig.
"Nagpakilalang pulis sa kalsada, sa kahabaan ng C5 Taguig, nakasabay ko ang SUV na ito. Galit nag alit sa akin dahil ginigitgit ko raw sita samantalang iniiwasan ko na nga kasi pagitna siya ng pagitna. Wala na siya sa lugar niya. Hinarang kami at pulis daw siya. Nagbanta pang babarilin kami, di lang nakuha sa video kasi naputol. Sana may makapansin sa pagkatao nito dahil hindi maganda ang binitiwan niyang mga salita lalo na sa huli naming pag-uusap na sabi niya, ok na ako, alam ko na kung saan ka nakatira," ang paglalahad sa Facebook ng isang Pareng Hulyo.
Hindi lang ang lisensiya ng lalaki ang nasuspindi kung hindi nadamay na rin ang rehistrasyon ng puting Ford Explorer na minamaneho nito habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa pangyayari, ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II.
Nagpalabas din ng show cause order ang LTO laban sa driver ng SUV kung saan pinagpapaliwanag ito kung bakit hindi ito dapat parusahan sa paglabag sa batas ng trapiko.
Pinatatawag ang driver ng SUV sa LTO- National Capital Region (NCR) office sa Lunes, Disyembre 4.
(Screenshot from Pareng Hulyo FB Page)