Ipapatapon palabas ng bansa ang isang Chinese na lalaking naaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 makaraang magtangkang magpuslit ng ipinagbabawal na gamot at bala palabas ng bansa.
Ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ay nakilalang si Qian Qiang, 52 taong gulang, na patungo sana sa Guangzhou, China at sasakay ng eroplano ng China Southern noong Agosto 10.
Napag-alaman na si Qian ay naharang ng mga tauhan ng Office of Transportation Security sa final security check nang mapansin ng mga otoridad ang isang bagay na may hugis na tila bala sa loob ng isang pares ng sapatos.
Binutas ng mga inspektor ang suwelas ng sapatos at natagpuan na mayroon ngang dalawang 22LR na bala. Bukod sa bala, nakita nila ang isang plastik na kinalalagyan ng humigit kumulang sa limang gramo ng methamphetamine hydrochloride na kilala rin bilang shabu, at may halagang P34, 000.
Ipinatawag ng mga inspektor ang NAIA Anti-Illegal Drugs Inter-Agency Task Group para hulihin si Qian.
Si Qian ay napag-alamang nagta-trabaho sa isang kumpanyang nakabase sa Pilipinas at may hawak na validong 9(g) visa.
Pero dahil sa ginawa niyang paglabag sa batas, sa tangkang pagpupuslit ng bala at droga, kinansela na ang visa nito at ipapatapon pa palabas ng bansa. Naghihintay ngayon ng deportation proceedings sa BI Warden's Facility sa Camp Bagong Diwa si Qian.
(Larawan mula sa Bureau of Immigration)
Droga at Bala, Nasa Sapatos ng Chinese | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: