Wala nang cash toll booths sa Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) makaraang simulan ang dry run para sa 100% cashless toll collection sa kanilang toll plazas noong Sabado, Setyembre 14, 2024.

News Image #1



Kailangang may nakakabit na Radio Frequency Identification (RFID) stickers sa kanilang mga sasakyan o magpakabit sa mga istasyon ng CAVITEX kung wala pang RFID at nagnanais na dumaan sa naturang expressway.

News Image #2


Kapag natapos na ang dry run, ang mga motoristang walang RFID stickers o sira ang RFID kapag pumasok sa expressway ay magmumulta ng P1,000 para sa unang paglabag, P2, 000 sa ikalawa at P5, 000 para sa mga susunod na paglabag.

Kapag naman may RFID subalit hindi sapat ang balanse, ang motorista ay magmumulta ng P500 para sa unang paglabag, P1, 000 para sa ikalawang pagkakataon na lumabag at P2, 500 para sa mga susunod pang paglabag.

Ang ilang mga nagba-biyahe ay nagreklamo dahil hindi naman anila sila laging dumadaan sa Cavitex at nanghihinayang kapag naipit ang pera nila sa pagkaka-load sa RFID. Nais nilang panatilihin ng Cavitex ang kanilang cash lanes para sa mga paminsan-minsan lamang na gumagamit ng naturang daan.

Una rito, pinalawig ni Transportation Secretary Jaime Bautista ang pinal na pagpapatupad ng cashless tollways o paggamit ng RFID sa mga expressways at pagbibigay ng multa sa mga motoristang lalabag dito sa Oktubre 1, 2024.

(Mga larawan mula sa Cavitex)