Hindi na kailangang mag-internet shop ang mga residente ng Taguig City kung kinakailangan ng mga impormasyon para sa kanilang pag-aaral o sa pagta-trabaho.

Pinasinayan ang bagong e-library ng Taguig sa kakagawa lamang na multipurpose building sa Barangay Wawa.

News Image #1


Ang e-library na maluwag at naka-aircon ay may 10 computer units.

Internet-ready at may Microsoft Office na kayang sumuporta sa pagsusulat, research, multimedia presentation, e-mail, data analysis at visualization ang kayang gawin ng bawat computer.

News Image #2


Nasa bagong e-library rin sa Barangay Wawa ang
DOST Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosks na kilala rin bilang STARBOOKS.

Ang digital learning platform na ito ay mayroong libo-libong digitized resources na may kinalaman sa siyensya, teknolohiya at inobasyon na maaaring makatulong sa mga estudyante at komunidad.

News Image #3


Maaari ring mapuntahan ang Tekno-Aklatan program ng National Library of the Philippines sa pamamagitan ng e-library, kung saan marami itong mga kaalamang maaaring matunghayan kahit naka-offline.

Matutunghayan din ang digital collection ng National Library of the Philippines sa pamamagitan nito.

Sa hinaharqp, maaari na ring magsagawa ng Zoom meeting at iba pang video conferencing platform dito.

Ang mga taga-Barangay Wawa ay maaarint magtungo sa e-library nang hindi na nagpapa-schedule. Ang mga bisita sa ibang lugar ay kailangang magpa-book sa kanilang barangay ng isang araw bago ang kanilang pagbisita sa e-library.

Bukas ang Barangay Wawa E-Library ng Lunes hanggang Biyernes alas 8:00 ng umaga hanggang alas 5:00 ng hapon.

(Photos by Taguig PIO)