Ito naman ay kasunod ng lumabas na kautusan ng OIC ng Office of the Schools Division Superintendent ng Taguig City na si Dr. Cynthia Ayles, sa dalawang security agencies na inupahan ng Taguig na i-take-over na ang 14 na paaralan sa Embo barangays ngayong alas dose ng tanghali ng Agosto 12.
Iniutos ni Kapitan Ives Ebrada na ikandado ang mga eskwelahan ng Pitogo Elementary School at Pitogo High School at ibaba ang barikada sa mga daanan patungo sa mga nasabing paaralan.
Ayon sa kapitan, hindi nila papayagang kunin ng Taguig ang mga eskwelahang itinayo sa pamamagitan ng mga buwis ng taga-Makati. "Kung maaari sana, walang dahas. Nakikiusap ako na protektahan n'yo ang Pitogo Elementary School at Pitogo High School," ayon kay Ebrada.
Sa isang naunang panayam kay Makati Mayor Abby Binay bago naganap ang paglabas ng kautusan sa pag-take over ng mga eskwelahan sa Embo barangays, sinabi nitong ang mga propriyedad tulad ng mga eskwelahan ng Makati ay pagmamay-ari pa rin ng lungsod ng Makati.
"Political jurisdiction lamang po ang sa Taguig. Ang ibig sabihin, ang lugar na ito ay sakop na ng Taguig pero ang mga properties tulad ng mga eskwelahan ng Makati, Ospital ng Makati, barangay halls, health centers, lahat po 'yan ay pagmamay-ari ng lungsod ng Makati. Hindi po 'yan kasama sa desisyon," ayon kay Binay.
Kabilang sa 14 na eskwelahang binabalak na pasukin ng mga guwardiya ng Taguig bukod sa Pitogo Elementary at High School ay ang Makati Science High School, Fort Bonifacio Elementary at High School, Cembo Elementary School, South Cembo Elementary School, Pembo Elementary School, Comembo Elementary School, East at West Rembo Elementary Schools, Rizal Elementary School, Benigno S. Aquino High School at Tibagan High School.