Nagbabala si Taguig City Mayor Lani Cayetano kaugnay ng lumikha ng isang pekeng account sa social media site na Facebook na kinopya ang kanyang pangalan at content at nanghihingi umano ng OTP (one-time-password) sa mga tagasunod nito para mapasok ang e-payment applications ng mga naturang tagasunod.
(Larawan mula sa Facebook Page: Lani Cayetano)
Sa isang post ni Cayetano sa kanyang tunay na Facebook Page, ipinakita nitong ang kanyang page ay may 182, 000 na mga tagasunod at 4 lang ang kanyang sinusundan, samantalang ang pekeng account ay nay 7, 400 na tagasunod at walang sinusundan.
Hindi lamang ang Facebook account ni Cayetano ang ginaya kung hindi maging ang kanyang Instagram account na kinopya rin ang pangalan at nilalaman.
"Nakatanggap kami ng ulat na may gumagaya sa Facebook page ni Mayor Lani Cayetano. Ang page na ito ay kinokopya lahat ng content mula sa tunay na page ni Mayor, at ginagamit ito upang mambiktima ng mga tao sa Facebook.
Ang pekeng page na ito ay nanghihingi ng OTP sa kanyang followers/friends para ma-access ang e-payment apps tulad ng Gcash at Maya.
Babala: Huwag i-follow o i-add ang nasabing page. Huwag din magbibigay ng personal na impormasyon na maaaring gamitin upang ma-hack ang inyong accounts.
Kung sakaling kayo ay hingan ng OTP o iba pang impormasyon, ireport agad ang page sa Facebook at ipagbigay-alam ito sa amin," ang kabuuan ng post ni Cayetano sa kanyang Facebook Page.
(Larawan mula sa Facebook Page: Lani Cayetano)
Ang sinasabing pekeng account na may pangalan ng alkalde ay nilikha noong Oktubre 28, 2020 samantalang ang tunay na account nito ay nilikha noong July 9, 2019.
(Screenshot mula sa pekeng account ni Taguig City Mayor Lani Cayetano)
Facebook Page ni Taguig City Mayor Lani Cayetano, May Nanggaya ng Pangalan at Nilalaman; Nang-i-i-Scam | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: