Ang kauna-unahan sa Pilipinas na sentro para sa mga persons with disabilities (PWDs) na pinatatakbo ng isang lokal na pamahalaan ay binuksan na ng pamahalaang lungsod ng Taguig.
Ang Taguig City Disability Resource and Development Center sa Barangay North Signal ay inilunsad noong Enero 9, 2024 upang mabigyan ng lugar ang PWDs kung saan maaari silang magpakonsulta ng libre, magpalitan ng impormasyon at lalong palakasin ang kanilang mga sarili.
Ang sentro ay may anim na palapag at kumpletong pasilidad para sa nangangailangan ng libreng serbisyo tulad ng therapy at konsultasyon.
Kabilang dito ang libreng Speech Therapy, Adult at Pediatric Physical Therapy, Occupational Therapy at konsultasyon sa mga Rehabilitation Medicine doctors, Developmental Pediatricians, Physical Therapists, Occupational Therapists at Speech Therapists.
Sa sentro na rin ipo-proseso ang mga aplikasyon at pagpapalabas ng mga PWD IDs at ang mga programang pangkabuhayan at pagsasanay.
Pinangunahan ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang paglulunsad ng Taguig City Disability Resource and Development Center kung saan pinasalamatan niya ang mga tagapaglingkod mula sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at Taguig Pateros District Hospital - Physical Medicine and Rehabilitation Unit na tutugon sa mga pangangailangan ng mga PWDs na magtutungo sa sentro.
"Patunay na sa Taguig hindi lang natin basta sinasabi na mahal natin ang mga Persons with Disability, kundi may kaakibat na aksyon at kaakibat na programa. Dalangin ko po na ang pasilidad na ito ay magdulot ng ginhawa at kagalingan sa mga taong makikinabang. Inaalay po natin ito para sa sektor na malapit sa aking puso at higit sa lahat, for the greater glory of our Lord," ayon kay Cayetano.
Mayroon ding E-library sa gusali kung saan maaaring magsaliksik at magbasa ang mga Taguigueño.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa TPDH Physical Medicine and Rehabilitation Unit Facebook Page na https://www.facebook.com/TPDHPMRU o tumawag sa 0961-704-4315.
(Photos by Taguig PIO)
First in the Philippines: Kauna-Unahang PWD Center na Pinatatakbo ng Lokal na Pamahalaan, Binuksan na sa North Signal, Taguig City | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: