Ipatutupad na ang "Food Stamp Program" (FSP) sa buong bansa sa darating na Hulyo, ang paniniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

News Image #1

(Larawan mula sa DSWD)

Sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay na makalipas ang anim na buwang pilot implementation nito sa ilang bahagi ng bansa, isasagawa na ito sa kabuuan ng bansa.

Ipapatupad ang FSP sa sampung rehiyon at 21 probinsiya na ang inisyal na target ay 300, 000 pamilya. Ang kabuuang target ay 1 milyong kabahayan. Kumukuha na rin ang DSWD ng mga bagong staff sa mga lugar na masasakop ng food stamp program.

Kabilang sa mga mabibigyan nito ay ang nakalagay sa Listahanan 3 o nasa food-poor criteria batay sa depinisyon ng Philippine Statistics Authority (PSA). Layunin nitong malabanan ang pagkagutom na hdi ninanais sa pamamagitan ng pagbibigay ng food stamp na ipambabayad ng mga ito sa mga kasaping grocery stores sa FSP.

"This month po, magsisimula na iyong validation at registration ng 300,000 beneficiaries para sa July. Naka-hire na po this month ng 1,000 validators dito sa mga implementation sites. Twenty-one provinces in 10 regions po iyan na na-identify ng ating departamento bilang priority areas," ayon kay Punay.

Sa unang 6 na buwan ng pilot implementation, may 3, 000 pamilya ang nakinabang sa program amula Pebrero hanggang Marso at nakatulong ito upang maibsan ang kagutuman, ayon sa DSWD.

Ang FSP ay nakalaman sa Executive Order 44 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagtatatag ng "Walang Gutom 2027: Food Stamp Program" bilang flagship program ng pambansang pamahalaan.

Nilalayon nitong mabawasan ang kagutuman ng mga kabahayang sobrang baba ng kinikita sa pamamagitan ng monetary-based assistance na nakapaloob sa Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na ipambibili naman ng mga ito ng piling mga pagkain sa mga partner merchant stores ng programa.