Mapapatagal pa ang paglipat ng Senado sa bago nitong gusali sa Chino Roces extension, Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.
(Kuha ni Dexter Terante)
Ito ay makaraang ibunyag ni Senate President Francis Escudero ang aniya ay nakakagulat na gagastusin sa bagong gusali ng Senado, sa flag-raising ceremony kahapon, Lunes, sa kasalukuyang opisina nito sa GSIS Building Pasay City.
(Larawan mula sa Senate of the Philippines)
Sinabi ni Escudero na nadiskubre nilang mula sa P8.9 bilyon na budget, ang pagpapagawa sa gusali ay umakyat na sa P13 bilyon. At kinakailangan pa aniya ng P10 bilyon pa para makumpleto ito. Nangangahulugan itong aabot sa P23 bilyon ang gagastusin sa naturang gusali ng Senado.
Dahil dito, inatasan ni Senador Alan Peter Cayetano, kasalukuyang pinuno ng Senate committee on accounts, na itigil muna ang pagbabayad at konstruksyon ng New Senate Building habang pinag-aaralan itong muli.
Ayon kay Escudero, hindi mangyayari ang ipinangako ng nakaraang administrasyon sa Senado na magsisimula ang paglilipat sa bagong gusali sa Taguig City bago matapos ang taong ito.
"Kahit hanggang 2025 sa palagay ko'y hindi pa rin dahil marami pang bagay na kailangang ihanda, at maraming bagay din na aming nakita at nagisnan na kailangan pang suriin at pag aralan. Medyo nagulantang, nagulat at hindi ko inaasahan na ganun kalaki aabutin ang gagastusin para sa ating magiging bagong tahanan," ayon sa bagong pangulo ng Senado.
Nilinaw ni Escudero na hindi naman niya sinasabing may iregularidad o may kwestyonable sa halagang hinihingi para sa konstruksyon ng bagong gusali ng Senado. Nagulat lamang aniya siya na ganito kalaki ang gagastusin sa kanilang bagong gusali lalo na at nasa gitna ng krisis sa ekonomiya ang bansa.
Ang AECOM ang nagdisenyo ng green building samantalang ang konstruksyon naman ay in-award ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Hilmarc Construction Corporation.
Una rito, sinabi ni Senadora Nancy Binay, dating pinuno ng Committee on Accounts, na tina-target nila para sa partial operations ang bagong gusali ng Senado sa Enero 2025.
Gastos sa Pagpapagawa ng Bagong Gusali ng Senado sa Taguig, Aabot na sa P23 Bilyon; Pinahihinto Muna ni Senate President Escudero ang Konstruksyon | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: