Mahalaga ang mayroong pumapagitna sa usapin lalo na sa mga kaso kung kaya't ang paggamit ng mediation at alternative dispute resolution (ADR) ay isinusulong upang resolbahin ang mga sigalot.

Sa dalawang araw na 6th Asian Mediation Association (AMA) Conference sa Shangri-La the Fort sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City noong Oktubre 15 at 16, 2024, ang temang "Harmony and Strategic Innovations in Mediation and ADR," ang inikutan ng pag-uusap kaugnay ng mediation at alternatibong paraan ng pagresolba sa mga hindi pagkakaunawaan.

News Image #1


Ayon sa National Center for Mediation, ang pagpapagitna o mediation ay isang proseso kung saan ang sinanay na neutral na ikatlong partido o mediator ang mangunguna sa negosasyon sa pagitan ng dalawang partido (disputants).

Ang ADR naman ay ang mga pamamaraan upang maresolba ang mga sigalot nang hindi na kailangang idaan pa sa korte.

Ang mga global experts ay practitioners sa mediation at ADR ang dumalo sa dalawang araw na kumperensiya.

Ang Unang Ginang na si Marie Louise "Liza" Araneta na isa ring abogado ang naging panauhing pandangal sa pagbubukas ng seremonya, na dinaluhan din ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.

News Image #2


Sa post ni Cayetano sa kanyang Facebook Page na Lani Cayetano, sinabi nitong isang malaking karangalan para sa Taguig City na napili itong lugar na pinagsagawaan ng prestihiyosong kumperensiya.

"Taguig City is honored to be the venue for the 6th Asian Mediation Association Conference, bringing together leaders in mediation and dispute resolution from across Asia. We also thank this year's host, the Philippine Supreme Court headed by Chief Justice Alexander Gesmundo, for choosing our city to be part of this event. We fully support the association's vision of fostering peaceful conflict resolution and look forward to a meaningful and productive gathering," ayon kay Cayetano.

News Image #3


Samantala, sa pambungad na pananalita, sinabi ni Philippine Judicial Academy Chancellor Rosmari Carandang na ang mediation ay isang pagpapatunay na nais pa rin ng mundo ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga sigalot.

"In mediation, we find a way to not only resolve disputes but also to strengthen the bonds of cooperation, respect, and understanding among people, communities, and nations," ayon kay Carandang.

(Mga larawan mula sa Facebook Page: Lani Cayetano)