Namayapa na ang ang award-winning actress na si Gloria Romero sa edad na 91 kahapon, Enero 25, 2025.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page: Lovely Rivero II)

Inanunsyo ng kanyang anak na si Maritess Gutierrez ang pagkasawi ng kanyang ina at gayundin ng mga pamangkin ng aktres na sina Lovely Rivero at Pia Morato.

Sa post ni Rivero sa kanyang Facebook page na Lovely Rivero II, sinabi nitong ipinagdadasal niya ang kapayapaan ng kaluluwa ng kanyang tiyahin at nagdasal din para sa katatagan ni Gutierrez at ng buong pamilya nito.

"Rest well, our Movie Queen, Tita GLORIA ROMERO. Praying for the repose of your soul & for strength for Maritess Gutierrez, Chris & the whole family during this very difficult time."

Sa post naman ni Pia Morato, isang broadcaster at tagapagsalita ng Quezon City Government, sinabi nitong malaking bahagi ng kanyang kabataan si Romero.

"Goodbye Tita Gloria . Rest in peace . At most I got to say goodbye . You will always be a great part of my childhood memories. Thank you for teaching me how to be a queen . There is none like you . We love you Maritess Gutierrez and Chris."

Si Romero, na ang tunay na pangalan ay Glora Galla, ay ipinanganak sa Denver, Colorado, noong 1933. Una siyang nasilayan sa pelikulang Pilipino noong 1949 bilang ekstra sa "Ang Bahay sa Lumang Gulod."

Ang kanyang kauna-unahang pinagbidahan ay ang pelikula noong 1951 na "Kasintahan sa Pangarap."

Ang pelikula niyang "Dalagang Ilocana" ang nagbigay sa kanya ng unang FAMAS Best Actress award.

Ang pinakahuling pelikulang nilabasan ni Romero ay ang "Rainbow's Sunset" noong 2018 Metro Manila Film Festival kung saan nagwagi siya ng Best Actress award.