Walang magiging problema sa isasagawang barangay elections sa Oktubre 30, 2023 kahit na nalipat na ang 10 Embo barangays sa Taguig City mula sa Makati City.

Sinabi ni Atty. John Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na tanging ang balota lamang na may nakalagay na "Makati" ang kailangang iimprentang muli para mailagay na "Taguig" na ang mga barangay na dating nasa hurisdiksyon ng Makati.

"Hindi naman magiging mahirap ang paglilipat kasi buong buong malilipat (ang mga barangay). Ang mga boboto at ang mga kakandidato ay pare-pareho rin namang magkaka-baranggay. Ang eskwelahang gagamitin sa botohan ay nandoon din sa mga apektadong barangay. Ang isa lamang na nakikita naming gagawin dito ay ang mga balota. Dalawa o tatlong araw lang, kaya nang tapusin ang pag-iimprenta ng mga bagong balota," ayon kay Laudiangco.

News Image #1


Sumulat na rin si Comelec Chairman George Garcia sa Korte Suprema upang linawin kung final and executory na ang paglilipat ng political jurisdiction ng Embo barangays sa Taguig. Gayunman, wala pa silang natatanggap na katugunan.

Sinabi naman ng Taguig City Government sa isang pahayag na hindi na kailangan pa ng writ of execution para mailipat sa kanila ang hurisdiksyon sa Fort Bonifacio Military Reservation at sa sampung barangay na kinabibilangan ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside at Post Proper Southside.

"The nature and tenor of the permanent injunction against Makati do not require a writ of execution for the decision to be implemented," ang nakasaad sa nakasulat sa opisyal na pahayag ng Taguig. Ayon sa kanila, ang preliminary injunction na inisyu ng Regional Trial Court of Pasig, na nagpapatigil sa Makati sa pamamahala nito sa Fort at sa 10 Embo barangay ay ginawang permanente ng desisyon ng Korte Suprema.

Sinabi pa ng Taguig City Government na balewala ang pahayag ng Office of the Court Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan munang makakuha ang Taguig ng writ of execution para mas epektibong mailipat ang hurisdiksyon ng mga nabanggit na lugar mula Makati tungong Taguig. "Its authority does not extend to matters that involve administrative or judicial adjudications."

Nagbabala rin ang Taguig na ang mga manggugulo at hahadlang pa sa implementasyon ng desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng territorial dispute ay kanilang kakasuhan.

(Larawan mula sa Philippine News Agency)