Halos P5 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska ng Taguig City Police sa isang babae sa Barangay South Signal noong Enero 22, 2025 ng alas 11:40 ng gabi.

Sa buy-bust operation na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Barangay South Signal, naaresto ang isang 32 taong gulang na babae na kinilala lamang sa alyas na Sherhana, na ayon sa pulisya ay matagal na nilang tinutugaygayan.

Nakumpiska rito ang tatlong plastic bag na may lamang 708.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4.81 milyon.

News Image #1

(Larawan mula sa Taguig City Police)

Nabawi rin nila ang isang tunay na P1, 000 pera na ginamit bilang marked money at 49 na piraso ng pekeng P1, 000 na perang ginamit na boodle money.

Ang suspek ay nakakulong na ngayon sa bilangguan ng Taguig Police at kakasuhan ng paglabag sa Sections 5 (sale) at 11 (possession of illegal drugs) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Pinuri ni Southern Police District (SPD) Chief Brig. Gen. Manuel Abrugena ang mga tauhan ng Taguig City Police sa kanilang matagumpay na operasyon.

"This operation underscores our dedication to safeguarding our communities from the devastating impact of illegal drugs," ayon sa direktor ng SPD.