Overstaying na sa Pilipinas, wanted pa sa pagnanakaw at panloloko ang isang 28 taong gulang na Japanese na naaresto ng mga otoridad sa Pampanga noong Lunes, Enero 20, 2025.

Nakapiit na ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ang Hapones na si Tsukita Yuhei makaraang ialerto ang BI ng mga otoridad sa Tokyo, Japan kaugnay ng pananatili sa bansa ng suspek.

News Image #1

(Larawan mula sa BI)

Napag-alaman na si Tsukita at ang kanyang kasabwat ay nagnakaw ng 8 piraso ng automated teller machine (ATM) cards.

Nagpanggap ang mga itong pulis at nilinlang ang kanilang mga biktima na mayroon umano silang imbestigasyong isinasagawa at kailangang isuko sa kanila ang mga ATM cards ng mga ito.

Nakapagnakaw si Tsukita at kasama nito ng halagang 724, 000 yen o mahigit sa US$4,600 mula sa mga nakuha nilang ATM cards.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na naaresto nila si Tsukita sa Fields Avenue, Brgy. Balibago, Angeles City makaraang isilbi rito ang isang warrant of arrest na inilabas ng Tokyo Summary Court noong Oktubre 27, 2022 sakasong pagnanakaw na paglabag sa Article 235 ng Japan penal code.

Nakita rin sa record ng Hapon na overstaying na ito sa Pilipinas dahil ang huling tatak ng pagdating nito sa Pilipinas noong Marso 16, 2019 at hindi na ito umalis simula noon.

Tiniyak ng BI na ipapatapon agad palabas ng bansa si Tsukita kapag naisaayos na ang mga dokumento kaugnay ng deportasyon nito.