Iniuntog ng isang 25 taong gulang na Hapones ang kanyang ulo sa immigration counter at tila nagpapasaklolo matapos harangin ito ng ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sasakay sana sa isang flight patungong Nagoya, Japan si Saito Shimoeda noong nakaraang Nobyembre nang harangin siya ng mga otoridad makaraang matuklasang nakalista ito sa isang alert order.

News Image #1


Nang makumpirma ng on-duty supervisor na si Shimoeda ay mayroong arrest warrant na ipinalabas ng Tokyo Summary Court dahil bahagi umano ito ng isang malawakang telecom fraud group, iniuntog nito ang sarili sa immigration counter.

Wanted din ang Hapones sa kanyang bansa dahil sa pagnanakaw.

Napag-alaman na si Shimoeda ay tumatawag sa mga kababayan nito at kinukumbinsi ang mga itong maglabas ng perang idinedeposito sa account ng sindikatong pinagta-trabahuhan nito.

"The incident serves as a stern warning to foreign fugitives that the Philippines is not a safe haven for those attempting to escape legal repercussions in their home countries. We urge foreign nationals to respect Philippine laws and we warn that the government is committed to cooperating with international authorities to ensure the swift and just resolution of such cases," ang pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Pumasok sa Pilipinas si Shimeoda noong 2019 at matagal ding nagtago sa bansa.

Kasalukuyang nasa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang Hapones habang hinihintay ang pagpapabalik nito sa Japan.

(Photo by Bureau of Immigration)