Hindi lang ipinagbabawal na gamot ang nakumpiska sa isang buy-bust operation kung hindi maging ilegal na armas mula sa isang 47 taong gulang na lalaki sa Barangay Central Bicutan, Taguig City noong Hulyo 16, 2024.

News Image #1


Sa isinagawang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police, sa pakikipagtulungan ng Sub-station 7 noong Martes ng alas 4:40 ng madaling araw, naaresto ang suspek na lalaking si alyas Joy na nagta-trabaho bilang contractor.

Nakumpiska kay alyas Joy ang 31.6 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱214,880.00.

[Photo3]

Nadiskubre rin ng pulisya ang ilegal na armas na dala ni alyas Joy na isang kalibre .45 Armscor pistol, limang bala, at isang magazine.

Nakuha rin muli ang tunay na ₱500 bill at P6,000.00 na boodle money na ginamit sa buy-bust operation.

Nahaharap ngayon si alyas Joy sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at gayundin sa Republic Act 10591, o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Naibigay na ang mga nakumpiskang ebidensya sa Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) para sa pag-aanalisa.

(Larawan ng Taguig City Police)