Isang malawakang information technology (IT) outage ang naging dahilan ng hindi paglipad ng ilang mga eroplano sa buong mundo.

News Image #1

(Larawan ni Vera Victoria)

Naapektuhan din ang pagbabangko at serbisyong pangkalusugan maging ang ilang broadcasting system.

Ayon sa global cyber-security firm na Crowdstrike ang problema ay nagmula sa pag-update ng software nito na nakadisenyo para protektahan ang Microsoft Windows devices mula sa hacking.

News Image #2



Sinabi ng Microsoft na gumagawa na ito ng mga paraan upang maiwasang humaba pa ang matinding epekto ng pangyayari sa buong mundo.

Sa paliwanag ng pinuno ng Crowdstrike na si George Kurtz, ang problema ay bunga ng depekto sa isang "content update" para sa Microsoft Windows devices.

"The issue has been identified, isolated and a fix has been deployed," ayon kay Kurtz.

Sinabi rin ni Kurtz na ang mga isyung ito ay hindi naman nakaapekto sa iba pang operating systems.

"This is not a security incident or cyber-attack," ang pagbibigay-diin ni Kurtz.

Ang pahayag na ito ni Kurtz ay kasunod ng kumalat na balitang ang Crowdstrike na lumilikha ng antivirus software, ay nag-isyu ng software uodate na naging dahilan para mag-crash ang mga Windows devices.

Bumagsak ang shares ng Crowdstrike ng hanggang 21% sa pre-market trade, gayundin ang Microsoft.

Naapektuhan din ang stocks sa travel at leisure.