Sa video sa kanyang Facebook Page, sinabi ni Cayetano na hindi dapat nag-aaway ang mga lokal na namumuno sa siyudad bagkus ay dapat magkaisa para sa lalong ikauunlad ng Taguig, upang aniya ay hindi maiwan bilang isa sa pinaka-progresibong lungsod hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa Asya.
"We have to have a mindset na, oo malayo na ang narating ng Taguig, pero marami pa tayong dapat gawin para mapaganda ang buhay ng ating mga kababayang Taguigeño," ani Cayetano na walang direktang katugunan kung may balak itong bumalik sa pulitika sa susunod na halalan.
(Screenshot from Lino Cayetano Facebook Page)
Sinabi rin ni Cayetano na maging ang mga kapitbahay na lungsod ng Taguig ay hindi dapat inaaway makaraang banggitin nito ang Makati City.
"Hindi puwedeng tayu-tayo, nag-aaway-away, kailangang magyakapan. May panahon para sa pulitika," ayon sa dating alkalde.
Ginawa ni Cayetano, na isa ring direktor, ang pahayag habang nagsasagawa ng ocular inspection sa Hong Kong para sa isang television series.