Lalong lumakas ang bagyong Carina at itinaas na sa Signal number 2 ang Batanes kahapon, Hulyo 23, 2024.

Ilang mga lugar naman sa Luzon ang inilagay sa orange rainfall warning at inilagay naman sa yellow rainfall warning ang Kanlurang Visayas sa patuloy na pagbayo ng bagyong Carina, kasama ang pinalakas na southwest monsoon o habagat.

News Image #1

(Larawan mula sa PAGASA)

Binaha ang ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan makaraan ang may 15 milimetro hanggang 30 milimetro ng ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

News Image #2

(Baha sa Barangay Lower Bicutan sa kuha ng isang Taguig.com Group member)

Sa ulat ng PAGASA noong alas 8:00 ng gabi ng Martes, ang orange warning ay itinaas sa Metro Manila, Bataan, Cavite, Batangas at Mindoro. Ibinabala ang pagbabaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na ito.

News Image #3

(Kuha ng Taguig.com Group member sa Barangay Lower Bicutan)

Ang yellow warning naman ay itinaas sa Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Zambales at Quezon(San Antonio, Tiaong, Dolores, Lucban, Tayabas, Lucena, Sariaya, Candelaria, Pagbilao), Guimaras, Iloilo, Antique at Aklan, at sinabi ng PAGASA na inaasahan din ang pagbaha sa mga mababang lugar dito.

Ang Nueva Ecija, Tarlac at ilang bahagi pa ng Quezon ang nakaranas naman ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan.
Pinayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero kung kinakailangan ng tulong o nais mag-ulat ng mga pangyayaring may kinalaman sa bagyo sa kanilang lugar: (02) 8927-1335 at 8927-2877 o magtungo sa website ng PAGASA sa http://pagasa.dost.gov.ph.

Si Carina ay huling nakita sa layong 335 kilometro sa hilagang-silangan ng Basco, Batanes sa pinakahuling ulat ng PAGASA kagabi ng alas 11:00. Gumagalaw ito sa bilis na 25 kilometro kada oras at may dalang hangin na 150 kilometro kada oras, na may pagbugso na 185 kilometro kada oras.

Ang pag-ulan ay magpapatuloy hanggang sa Huwebes lalo na sa kanlurang bahagi ng Luzon.

Ang bagyong Carina ay inaasahang lalabas na ng bansa sa gabi ng Miyerkules o sa umaga ng Huwebes (Hulyo 25, 2024) at magla-landfall sa timog-silangang China makaraang tumawid sa Taiwan Strait.

Samantala, nag-anunsyo na ng kanselasyon ng face to face classes sa Hulyo 24, 2024, sa mga sumusunod na lugar:

Caloocan - All levels, public and private
Las Piñas - All levels, public and private
Malabon - All levels, public and private
Navotas - All levels, public and private
Parañaque - All levels, public and private
Pasay - All levels, public and private
Muntinlupa - All levels, public and private
San Juan City - All levels, public and private
Cavite - All levels, public and private
Laguna - All levels, public and private
Cuenca, Batangas - All levels, public and private
Lian, Batangas - All levels, public and private
Tanauan, Batangas - All levels, public and private
Binangonan, Rizal - All levels, public and private
Morong, Rizal - All levels, public and private
Tanay, Rizal - All levels, public and private
Manaoag, Pangasinan - Preschool to senior high school, public and private
Baguio - All levels, public and private
Bataan - All levels, public and private
Magsingal, Ilocos Sur - All levels, public and private