Hindi makapaniwala ang mga magulang ng 16 na taong gulang na lalaking estudyante na nahulog mula sa ika-pitong palapag ng Tenement Housing sa Barangay Western Bicutan, Taguig City na sasadyain nitong tumalon mula roon.

News Image #1

(Larawan mula sa Facebook Page ng ina ng biktima)

Naghahanap ng hustisya ang ina ng Grade 12 student na si Melmar sa naganap sa kanyang anak noong Setyembre 18, 2024, na aniya ay nagpaalam lamang na male-late ng kaunti sa pag-uwi dahil magmi-milk tea ito.

Natagpuan ang walang buhay na katawan ni Melmar sa parking lot ng Tenement Housing bandang alas 7:30 ng gabi noong Setyembre 18 makaraang mahulog ito sa ika-pitong palapag ng Tenement Housing.

News Image #2

(Larawan mula sa Barangay Western Bicutan)

Sa post ng ina nitong si Marivic sa Facebook, nagtatanong ito kung paano nakarating sa ika-pitong palapag ng gusali ang anak: "Pero bakit nman..bakit ka nkarating don dba Sabi muh uuwi kpa ma late ka lng Ng uwi k. Mg milk tea ka lng pero bakit, binigla muh nman kmi lahat nak, kaya Yung inisip nila Na tumalon ka..d aq naniniwla alam ko at sa lahat Ng nakakakilala sau na d muh magawa."

Naniniwala si Marivic na may gumawa ng hindi maganda sa kanyang anak na estudyante ng Western Bicutan National High School (WBNHS).

Aniya, kung sinuman ang sumalbahe sa kanyang anak ay hindi sana makatulog. Sobrang sakit aniya at hindi sila titigil hangga't hindi nila nalalaman ang tunay na nangyari sa kanilang anak.

Sinabi pa ng ina na inaasam pa naman ng anak na makapagdiriwang ng kanyang kaarawan at mabibili na ang parte ng bike nito, at inaasahan din nitong kukuha ng entrance exam (sa kolehiyo) kasama ang kaibigan.

Samantala, umaasa naman ang Tahanan, Incorporated, ang homeowners association ng Tenement, na mailalabas na ang resulta ng imbestigasyon upang malaman kung ano ang tunay na nangyari sa estudyante.