Walang barilang naganap sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong gabi ng Disyembre 11, 2024 taliwas sa ulat ni Congresswoman France Castro ng ACT Teachers Partry-list.

News Image #1

(Larawan ng ACT Teachers Party-list)

Ang nasaksihan ni Castro na barilan na inihayag naman nito sa 13th Public Committee Hearing ng House Quad Committee ay naganap sa Makati Avenue, Makati City batay sa pahayag ng driver ng kongresista na si Jeffrey Atun.

Hinikayat ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang House Deputy Minority Leader na maglabas ng klaripikasyon kaugnay ng pangyayari upang hindi aniya magkaroon ng kalituhan at maging tama ang ulat lalo na at may kinalaman ito sa kaligtasan ng publiko.

"Taguig City is committed to ensuring peace and security in all areas under its jurisdiction," ang pahayag ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.

Natanggal naman sa posisyon ang hepe ng Makati City Police at ang isang substation commander dahil sa diumano ay barilan habang nasa gitna ng trapiko si Castro.

Nagpahayag ng pag-aalala si Castro para sa kanyang kaligtasan at gayundin ng publiko nang lumabas ang dalawang pulis sa kanilang patrol car makaraan nang lumapit ang isang lalaking nakamotorsiklo sa mga pulis.

Sinabi ni Castro na bigla na lamang bumaril ang isa sa mga pulis sa gitna ng trapiko at maraming taong nasa paligid.

Tiniyak naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na aalamin nila ang detalye ng nangyari at pananagutin ang lahat ng may kinalaman dito.