Naaresto na ang isa sa limang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang 53 taong gulang na ahente ng real estate sa Taguig City na nasa loob ng sasakyan nito noong Hunyo 15, 2024 ng alas 5:00 ng hapon nang mangyari ang krimen.

News Image #1

(Kuha ng Taguig City Police)

Nahulog sa kamay ng mga tauhan ngTaguig City Police Substation 6 ang isang alyas Ali noong Hunyo 19, 2024 makaraang ipagbigay-alam ng isang nakasaksi sa pangyayari ang deskripsyon nito.

Hindi pa nahuhuli ang apat pang suspek na nakilala sa alyas na Utok Kamar, Nasrudin, Jaylon at Kylie.

Nakita ng saksi na naghihintay ang limang mga suspek sa Pamela Street Barangay South Signal, Taguig City noong hapon ng Hunyo 15.

Binalaan pa ng suspek na si alyas Ali ang saksi na umalis sa lugar. Pagtalikod ng saksi, narinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril at nakita niya ang pagtakbo ng mga suspek patungo sa Kangkungan sa Barangay New Lower Bicutan na dala ang ginamit na baril.

Ang biktima ay residente ng San Pedro, Laguna at nagtungo lamang sa Taguig dahil sa isang kausap na kliyente, ayon sa anak nito.

Bago naganap ang pamamaril, sinabi ng anak ng biktima na may dala itong bag na may laptop, cash at iba pang mga importanteng dokumento.

Ang huling kausap nito sa mobile phone ay isang ka-transaksyon sa negosyo, ayon sa pulisya.