Mahigit 700 bilyong yuan o US$95 bilyon ang itinaya sa mga pasugalang pinatakbo ng isang sindikato sa China na nagsagawa ng operasyon sa internet. Kumita ang sindikato ng 2 bilyong yuan o US$272 milyon.

Pitumpung libo katao ang diumano ay mga empleyado ng sindikato na umakit sa mahigit sa 100 milyong mga Chinese na magsugal sa kanilang websites.

Ang isa sa mga nagpatakbo ng ilegal na pasugalan ay sa Pilipinas nagtago, at naaresto lamang nang magtangka itong lumipad mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Paranaque.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na ang kanilang naaresto ay si Huang Sen, 38 taong gulang, habang nasa departure area ng NAIA Terminal 1 noong Enero 11, 2025.

Nakita ng isang BI officer na nag-check ng mga dokumento at pagkakakilanlan nito sa computer na may Interpol Red Notice sa pangalan nito.

Ang red notice ay ipinalabas ng Interpol noong Disyembre 4, 2024, sa kahilingan ng pamahalaan ng China sa bisa naman ng warrant of arrest na ipinalabas ng public security bureau ng Luojiang District sa Deyang, China noong Agosto 27, 2024.