Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang isang Jordanian na dating nakabilanggo sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City makaraang bigla itong mawala matapos ang pagdinig ng kaso nito sa korte.

News Image #1


Si Tarke Nihad Siam, 47 taong gulang, ay unang nahuli noong 2022 dahil sa ilegal na pagdadala ng baril at pananakit.

Inaresto ito ng National Bureau of Investigation (NBI) subalit inilipat sa kustodiya ng BI nang malaman mula sa Interpol na wanted ito sa Abu Dhabi para sa kasong pambubugbog at pag-abuso ng nakalalasing na inumin.

Sa paliwanag ng mga escort ni Siam, dinala nila ang Jordanian sa Makati City Regional Trial Court Branch 237 noong Enero 16 kung saan nahaharap ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Nang matapos ang pagdinig ng tanghaling tapat at nang paalis na sila sa korte, nagpaalam si Siam na gagamitin lamang ang palikuran.

Pinayagan ito ng ahente ng BI na pumunta sa banyo at binantayan ang pintuan.

Nang mapansing matagal nang hindi lumalabas sa palikuran si Siam, pinwersa ng ahente ng BI ang pintuan at doon nadiskubreng ginamit ng Jordanian ang isang maliit na bintana sa palikuran para makatakas.

Isang manhunt ang ipinag-utos ni BI Commissioner Norman Tansingco para maarestong muli si Siam.

Tinanggal na sa trabaho ang dalawang job order personnel na nagbantay kay Siam, samantalang ang team leader na isang organic employee ng BI ay nahaharap din sa kaso makaraan ang pangyayari.

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)