Limandaang mga estudyante at tauhan ng Technological University of the Philippines (TUP) - Taguig City ang nagtipon-tipon para sa Ating Dibdibin Goes to U: University Caravan noong Nobyembre 15, 2024, Biyernes.
Ang naturang caravan ay nagtutungo sa mga unibersidad sa Taguig City upang bigyang kaalaman at i-check din ang mga estudyante kung mayroong bukol sa dibdib na kadalasan ay pinagmumulan ng kanser.
Nagbigay ng impormasyong pangkalusugan at ibinahagi rin ang sariling karanasan sa kanser sa dibdib ni
Dr. Cecille Montales. Siya ang kasalukuyang Executive Assistant for Health ng Taguig City.
Tinuruan din niya ang mga estudyante kung paano isasagawa ang self-breast examination.
Binigyang diin naman ni City Health Officer Head Dr. Norena Osano ang kahalagahan ng programa.
"Ayon sa DOH, breast cancer ang 2nd leading cause of death sa Pilipinas. Kaya naman, nandito ang Ating Dibdibin Program team with the CHO upang magprovide ng komprehensibong kaalaman at mag-raise ng awareness patungkol sa breast cancer sa ating mga estudyante at mga personnel dito sa TUP," ayon kay Osano.
Nakibahagi rin si Pink Crusader Virgie Baldevarona, isang breast cancer survivor, sa kaganapan sa pamamagitan ng kanyang pagsalaysay ng kanyang karanasan.
"Nung na-diagnose po ako nalaman ko po sa isa kong doktor na meron daw pong programa si Mayor Lani para sa mga may breast cancer. Lumapit po ako sa aming health center at tinulungan po nila akong mag-asikaso ng mga kailangan ko. Sa pamamagitan po ng Ating Dibdibin Program, naging panatag na po ang aking pakiramdam dahil may kasama na ako sa gamutan, ayon kay Baldevarona.
Mahalaga ang sariling eksaminasyon para maagapan ang pagsisimula ng kanser, ayon sa mga bumubuo ng City Health Office ng Taguig.
(Mga larawan ng Taguig PIO)
Kampanya sa Breast Cancer ng Taguig City, Dinadala Ngayon sa mga Unibersidad sa Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: