Sinamantala ng Taguig City ang bahagyang pagganda ng panahon para isagawa ang Regatta o Karera ng mga Bangka na bahagi ng Taguig River Festival noong Hulyo 28 sa Barangay Bambang, Taguig.
Nanguna sa karera ang grupo ng "Paspas Guimaras" mula sa Barangay Bagumbayan at nakuha ang premyong P25, 000. Hindi natitinag sa unang puwesto ang naturang team simula nang sumali sila sa Regatta noong 2012.
Nakuha naman ng "Bara-Bara Boys" ng Brgy. Napindan ang ikalawang puwesto at premyong P 15,000. Nag-third place naman ang team "Pinoy Thugs" mula sa Brgy. Sta. Ana at nakuha ang P10, 000 premyo. Nakamit ng grupong "Walastik kung Pumitik" ng Brgy. Napindan ang P5, 000 para sa ikaapat na puwesto.
Personal na dumalo si Taguig Mayor Lani Cayetano at ang mga mamamayan ng Taguig upang tunghayan ang may 20 grupo ng mga bangkero.
Ang regatta ay isang tradisyon na sa Taguig tuwing Hulyo bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapistahan ng kanilang patrong santo na si Santa Ana at kaalinsabay ng Taguig River Festival.
Una rito ay isinagawa ang Pagoda sa Daan na inihalili sa Pagoda sa Ilog dahil sa pagbabawal ng Philippine Coast Guard na maglayag ang anumang uri ng sasakyang pangtubig noong Hulyo 26 dahil sa bagyong Egay.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO)
Karera ng mga Bangka, Isinagawa sa Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: