Nilagdaan ng Pilipinas at Japan ang isang Reciprocal Access Agreement (RAA) na magbubunsod sa sabayang combat training ng Pilipinas at Japan. Ito ay upang mas lalo pang mapalawig ang kooperasyong pang-depensa ng dalawang bansa noong Hulyo 8, 2024 sa Palasyo ng Malakanyang.

Sa isang press conference na isinagawa naman sa Taguig City noon ding Hulyo 8, sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang RAA sa Japan ay hindi naman naiiba sa Visiting Forces Agreement (SOVFA) nito sa Australia at United States.

News Image #1

News Image #2


Ang RAA na nilagdaan nina Teodoro at Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa ay magbibigay sa dalawang bansa ng karapatang makapagpadala ng puwersang militar sa bawat teritoryo ng mga ito para sa sabayang pagsasanay.

"The way forward would be for our armed forces to come up with mutually acceptable confidence building measures between and amongst themselves which will include greater training and interoperability exercises," ayon kay Teodoro.

Una rito, ang tanging ginagawa ng Armed Forces of the Philippines at ng Japanese military forces ay magtulungan sa pagsasanay kapag may sakuna o nangangailangan ng tulong na mga mamamayan at gayundin sa kooperasyon sa karagatan.

Ang mas malaking pagsasanay-militar sa pagitan ng Pilipinas at Japan ay makakatulong sa pagpapalakas pa ng kapabilidad na pangdepensa sa gitna ng umiinit na tensyon dahil sa pagpuwesto at panggigiri ng China sa West Philippine Sea.

(Mga larawan mula sa Department of National Defense)