Nilinaw ng Drugstores Association of the Philippines na hindi maaaring iimplementa agad ang kautusan ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na tanggalin na ang purchase booklet sa mga kakailanganin kapag bumili ng gamot sa botika ang senior citizen para makakuha ito ng diskwento.
(Larawan ni Isabel Contreras)
Sa isang panayam, sinabi ni Vicente Briones, pangulo ng asosasyon, na bagaman at nakikiisa sila sa pagtulong sa mga senior citizens, mayroong panuntunan sa ilalim ng Administrative Code na nagsasabing ang lahat ng ipinalalabas na kautusan ng pamahalaan ay kailangang iharap at irehistro sa Office of the National Administrative Register (ONAR) bago ito maipapatupad.
Ang ONAR ay sarado hanggang sa kabuuan na ng Kapaskuhan at Bagong Taon batay sa ipinalabas nitong anunsyo.
(Ibinahagi sa Taguig.com)
Sinabi ni Briones nang sila ay dumalo sa pagdinig sa Kongreso, tumanggi silang ipatanggal ang purchase booklet dahil kailangan ito upang ma-monitor ang mga binibiling gamot ng mga senior citizens.
"Ang purchase booklet kasama ang reseta ay ang tanging basehan ng mga botika kung ang gamot na binibili ng senior citizens ay sapat na o kulang pa. Kung ito po ay sapat na, papayuhan sila na bumalik at magpakonsulta sa kanilang doktor. Maaari po kasing palitan, dagdagan o bawasan ang kanilang medikasyon," ang paliwanag ni Briones.
(Larawan ni Isabel Contreras)
Nangangamba rin ang asosasyon ng mga botika sa Pilipinas, ayon kay Briones, na maging bukas sa pang-aabuso ang kawalan ng purchase booklet.
"Sa pananaw po naming mga pharmacists, anuman po ang kulang o sobra sa medikasyon ng ating senior citizens, ito po ay maaaring makasama sa kanila. We are just after the health and welfare of the senior citizens and the rational use of medicines. Maaari rin po itong maging open for abuse kung mawawala ang purchase booklet partikular sa mga over the counter medicines. Dahil ang mga over the counter medicines po ay hindi nangangailangan ng reseta, so ano pa po ang magiging basehan namin sa botik? Sana po magkaroon ng unified monitoring system ang ating gobyerno to avoid possible abuse at para rin naman po maprotektahan ang sektor ng pagnenegosyo," ayon pa kay Briones.
Kahapon, Disyembre 23, 2024, ay ipinalabas ni Herbosa ang Administrative Order 2024-0017 na nag-uutos na tanggalin na ang purchase booklet sa mga hinahanap sa senior citizens kapag sila ay bumibili ng kanilang gamot sa botika.
Mananatili namang requirement ang reseta ng doktor at ang senior citizens ID.
Kautusan ng DOH sa Pagtatanggal ng Purchase Booklet sa Pagbili ng Gamot sa Botika ng Senior Citizens, Hindi Maaaring Maimplementa Agad, Ayon sa Drugstores Association of the Philippines | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: