Natapos din ang paghahanap ng mga otoridad sa nagtatag ng simbahan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy, wanted sa ilang kaso ng pang-aabuso sa mga bata at human trafficking, makaraang sumuko ito sa pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).


(Panayam kay PCol. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP)


Ayon sa ulat, sumuko si Quiboloy kay Major General Edmundo Peralta, commander ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP) kahapon, Setyembre 8, 2024. Sa larawang ipinost ni DILG Secretary Benhur Abalos na nag-anunsyo ng pagkakadakip kay Quiboloy, kasama nito ang abogado ng KOJC na si Israelito Torreon.

News Image #1

(Larawang naka-post sa Facebook Page ni DILG Secretary Benhur Abalos. Kasama ni Quiboloy sa larawan si KOJC chief legal counsel Israelito Torreon)

Ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, nagkaroon ng negosasyon sa pagitan ni Quiboloy, abogado nito at ng AFP at PNP bandang 1:30 ng hapon. Nakuha si Quiboloy at ang iba pang kasamahan nitong dawit sa katulad na mga kaso sa isa sa 42 gusali sa loob ng KOJC compound bandang alas 5:30 ng hapon.

"Binigyan natin sila ng ultimatum na within 24 hours ay kailangan nilang sumuko at nagkaroon ng negotiation. Otherwise ay papasukin na po natin yung isang particular building na hindi tayo pinapayagang pumasok. So, nagkaroon ng negotiation ang PNP na kinatawan ng Intelligence Group at ISAFP. Pinagtulungan ito that led to the peaceful surrender nina Pastor Quiboloy at 4 na iba pa," ang pahayag ni Fajardo.

Kalahating buwan ding matiyagang nagbantay ang mga tauhan ng PNP Region 11 sa compound ng KOJC sa Davao City para isilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy at kina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada at Sylvia Cemanes dahil sa kasong paglabag sa section 5(b) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at sa ilalim ng Section 10 (a) ng kaparehong batas.

Nahaharap din ito at ang mga kasamahan sa kasong human trafficking sa ilalim ng section 4 (a) ng Republic Act Number 9208 na isang kasong walang piyansa. Nakasampa ito sa korte sa Pasig.

Sa naunang panayam kay Brig. General Nicholas Torre, pinuno ng PNP Region 11 na nagsilbi ng warrant of arrest kay Quiboloy at sa mga kasamahan nito sa KOJC Compound sa Davao City, sinabi nitong tama ang hinala nilang nasa Davao lamang ang founder ng KOJC. Nagpapasalamat din aniya siya at napagtanto ni Quiboloy na panahon na upang siya ay lumabas.

Inilipad ng ISAFP si Quiboloy at ang mga kapwa akusado sa isang C-130 na eroplano mula sa Davao tungong Villamor Air Base sa Pasay City. Isang convoy ng siyam na sasakyan ang diumano ay sumundo kay Quiboloy sa kanyang pribadong garahe ng mga eroplano at saka dinala sa C-130 na eroplanong naghihintay sa kanya sa Tactical Operations Group XI ng Philippine Air Force.


Inilipat sila sa pangangalaga ng PNP at saka isinagawa ang booking process at mugshots sa Camp Crame Quezon City. Nasa Camp Crame Custodial Center ngayon ang grupo ni Quiboloy.

Bukod sa mga kasong kinakaharap sa bansa, mayroon ding mga kasong sex trafficking of children, fraud and coercion at bulk cash smuggling si Quiboloy sa Estados Unidos.