Bubuksan na sa Agosto ng Korean Embassy sa Pilipinas ang Korea Visa Application Center (KVAC) na maghahawak ng visa applications.

Sa kasalukuyan, ang mga nagnanais na mag-apply ng Korean visa, kasama na ang tourist visa, ay kailangang kumuha muna ng appointment online.

Gayunman, nahihirapan ang ilan na makakuha ng visa appointment online dahil laging puno ang mga slots.

Sinabi ng Korean Embassy sa kanilang pahayag na tatanggapin na nila ang mga aplikasyon para sa Korean Visa sa kanilang Korea Visa Application Center kahit wala pang online reservation ang mga ito.

Kapag nabuksan na ang KVAC, ang pagsusumite ng visa application at pagpapalabas ng mga pasaporte ay doon lamang gagawin sa sentro. Hindi na tatanggap ang embahada ng anumang visa application o magpapalabas ng visa kung hindi sa sentro na lamang.

News Image #1


Ang KVAC ay nasa 9th floor hanggang 10th floor ng Britanny Hotel Bonifacio Global City, 6 Mckinlet Pkwy, Taguig City. Magkakaroon ito ng pilot operation sa Agosto 14 hanggang 25, 2023. Subalit ang opisyal na pagsisimula ng operasyon ay sa Agosto 29, 2023.

Ang kasalukuyang online visa appointment system ay magtatapos makaraan ang huling pagbubukas ng slot para sa buwan ng Agosto. Simula sa Agosto 29, 2023, hindi na kailangang magpa-online reservation pa ang mga mamamayan na mag-a-apply ng Korean visa.

Ang mag magwo-walk-in para sa aplikasyon ng Korean visa ay maaaring magtungo sa anumang araw ng opisina at hindi lilimitahan ang numero ng visa application na tatanggapin bawat araw.

Sa ngayon, ang mga mag-a-apply para sa visa ay kailangan pa rin ang online reservation lalo na ang mga mag-a-apply mula Agosto 1 hanggang 25, 2023. Ang online reservation slots para sa buwan ng Agosto ay magbubukas sa Hulyo 27 ng alas 9:00 ng umaga. Ang mga aplikasyon naman na may online reservation ay tatanggapin pa sa Korean Embassy mula Agosto 1 hanggang 11. Samantala, ang mga aplikasyon na may online reservation ay tatanggapin naman sa KVAC simula Agosto 14 hanggang 25.

(Photo courtesy of FB: Avelyn Artsy Med)