Arestado ang isang Koreano-Amerikanong wanted sa Seoul, South Korea dahil sa kaso ng telecommunications fraud noong Hulyo 17, 2024 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ayon sa Bureau of Immigration (BI), ang 37 taong gulang na si Jason Han Hsu, isang US passport holder, ay papasakay na sana sa Air Asia flight na patungong Osaka, Japan nang masabat siya ng mga tauhan ng BI.

May red notice mula sa Interpol ang pangalan ni Hsu dahil sa pagkakasangkot nito sa voice phishing syndicate na nagsagawa ng operasyon sa China kung saan ginawa ang mga tawag sa mga biktima nito sa South Korea.

Napag-alaman n amula Mayo 2018 hanggang Nobyembre 2019, nag-alok si Hsu sa mga tinawagang Koreano ng pagpapahiram ng malaking halaga ng pera sa mababa interes. Kailangan lamang umanong maghulog muna ng pera ang mga binibiktima bilang paunang bayad sa mga bank accounts ng pag-aari ni Hsu at ng kanyang mga kasamahan sa sindikato.

Tinatayang nasa US$1.06 million ang kanilang natangay sa mga biktima sa South Korea.

Sa ngayon ay nasa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City si Hsu habang inaayos ang proseso ng kanyang deportasyon.

Inilagay na sa blacklist ng Immigration si Hsu at hindi na ito makakabalik pa ng Pilipinas.