Isang South Korean na takas sa batas at pinaniniwalaang pinuno ng isang sindikato ng ilegal na droga sa kanilang bansa ang nakakulong na ngayon sa Bureau of Immigration (BI) detention facility makaraang maaresto noong Hulyo 18, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ang Koreanong si Kim Jinsu, 45 taong gulang, ay nahuli ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit sa F.B Harrison Street, Pasay City.


Ayon sa mga otoridad sa South Korea, pinamumuan ni Kim ang isang sindikato ng droga sa kanilang bansa na ilegal na nag-angkat at nagbenta ng mga ilegal na droga na mahigit sa limang bilyong won o $3.6 milyon.

Ito rin umano ang may kinalaman sa pag-smuggle sa Korea ng 6 na kilo ng methamphetamine, 1.5 kilo ng synthetic drugs at 3,000 tableta ng ecstasy sa pamamagitan ng mga drug mules.

Si Kim ay may warrant of arrest mula sa Daejeon City District Court sa South Korea makaraang makasuhan sa kasong paglabag sa Narcotics Control Act ng South Korea.

Inihahanda na ang mga papeles para sa deportasyon ni Kim at naka-blacklist na rin ito sa Philippine Immigration.