Isang Koreanong nagpanggap na Pilipino ang dadalhin ngayon sa Bureau of Immigration Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Barangay Lower Bicutan, Taguig City, makaraang maaresto sa Sitio Mojon, Barangay Langub, Davao City noong Setyembre 5, 2023.

Ang South Korean na si Kim Jinkoon, 58 taong gulang, ay napag-alamang wanted sa bansa nito dahil sa nahaharap sa pitong kaso. Ang pasaporte ni Jinkoon ay kinansela na rin ng pamahalaan ng South Korea.

News Image #1


Nauna nang naaresto si Kim ng National Bureau of Investigation (NBI) Region XI nang i-report sa kanila ng Department of Foreign Affairs (DFA) Region XI na tinangka ng Koreanong mag-apply ng Philippine passport.

Ayon sa DFA, nagpakilala si Kim na isang Pilipino at nagharap ng mga identification cards na nakalagay ang pangalang Allan Sun Duran. Nang magsagawa ng beripikasyon ang DFA, napag-alamang peke ang mga identification cards nito. Inamin ni Kim na nakuha niya ang kanyang Philippine birth certificate sa isang Pilipinang fixer na ginamit naman niya sa pagpapagawa ng ID cards.

Bineripika rin sa pamahalaan ng South Korea ang pagkakakilanlan kay Kim at nakita sa mga dokumentong tumakas ito sa mga kaso nito sa South Korea.

Nahaharap ngayon si Kim sa kasong overstaying at undesirability sa Pilipinas, at ipapatapon pabalik ng South Korea upang harapin naman ang pitong kaso nito/

(Photo by the Bureau of Immigration)