Walong taon nang nagtatago sa Pilipinas ang isang South Korean na akusado sa pagpapanggap bilang pulis o financial advisor upang pilitin ang mga kapwa nito Koreano na ibigay ang kanilang mga personal na data sa bangko para mailipat ang pera ng mga ito sa kanyang sariling account.
(Larawan mula sa Bureau of Immigration)
Nakakuha na ng 178 milyong won o US$130,000 si Lee Seul Ki, 37 taong gulang, mula sa biktima ng kanyang voice phishing syndicate kaya kinasuhan ito sa district courts ng Seoul at Nambu noong Pebrero 17, 2017.
Subalit bago pa ito nakasuhan at naisyuhan ng warrant of arrest, nakalipad na si Ki papuntang Pilipinas kung saan ito nagtago simula Mayo 26, 2016.
Noong Hulyo 11, 2024, natiyempuhan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) fugitive search unit si Ki sa condominium unit nito sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga.
Ang pag-aresto kay Lee ay bunga ng mission order na inisyu ng BI sa kahilingan ng pamahalaan ng South Korea.
Kanselado na ang pasaporte ni Lee, ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.
"We will send him back to Korea after our board of commissioners has issued the order for his summary deportation. We will then include him in our blacklist to prevent him from re-entering the Philippines," ang pahayag ni Tansingco.
Sa kasalukuyan ay nakakulong na si Lee sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang pagproseso sa deportation dito.
Koreanong Nagtago sa Pilipinas ng 8 Taon at Nakakulimbat ng 178 Milyong Won sa Voice Phishing, Naaresto ng Immigration | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: