Ang isang motoristang nagmaneho ng mabilis habang pagewang-gewang at pumasok pa ng pasalungat sa one-way na kalsada sa Bonifacio Global City (BGC) Barangay Fort Bonifacio, Taguig City ay posibleng matanggalan ng lisensiya.

News Image #1


Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na nagpalabas na sila ng show-cause order sa rehistradong may-ari at nagmaneho ng naturang sasakyan, at ipinatatawag ito sa LTO Central Office sa Quezon City sa Oktubre 15, 2024.

Ang video na ibinahagi sa Taguig.com ng isang miyembro ay nagpakitang pumasok ang lalaking tila lasing at sumalungat sa trapiko sa isang one-way na kalye sa BGC noong Setyembre 23, 2024.

Nahinto lamang ito nang harangin ng isang traffic enforcer sa BGC at nagdahilan pang sumunod lamang siya sa isang navigation app at nagbigay rin ng pangalan ng isang pulitiko.

Posibleng kasuhan ng Reckless Driving, Driving While Under the Influence of Liquor or Narcotic Drug at Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang naturang lalaki kung hindi maipapaliwanag ng mabuti kung bakit hindi ito dapat kasuhan at tanggalan ng lisensiya.

(Mga larawang ibinahagi sa Taguig.com)