Nakakulong na sa Bureau of Immigration (BI) Detention Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang isang Koreanong nagpapatakbo ng ilegal na Korean video streaming platform sa Pilipinas at nagpapabayad ng P4, 000 kada tatlong buwan.

News Image #1

(Larawan mula sa Bureau of Immigration)

Ang 55 taong gulang na Koreanong si Kim Jongsik ay naaresto ng mga ahente ng BI Fugitive Search Unit sa bahay nito sa Barangay Santo Nino, Angeles City, Pampanga noong Agosto 6, 2024, dahil matagal na itong wanted sa Seoul, Korea sa pagbebenta ng walang pahintulot ng video streaming platform sa internet na isang paglabag sa copyright laws ng bansa nito.

Mayroong warrant of arrest na inilabas ang Busan District Court laban kay Kim noon pang Oktubre 2002. Gayunman, si Kim ay napag-alamang nag-ooperate sa bansa ng ilegal na Korean-language video streaming platform.

Dumating ito sa bansa noong Abril 18, 2019 at hindi na umalis simula noon. Nag-isyu na rin ang BI ng summary deportation dito bago pa nailabas ang arrest warrant mula sa South Korea laban kay Kim.

Inihahanda na ang deportasyon ni Kim sa South Korea upang harapin nito ang kaso nito sa bansa at inilagay na sa blacklist ng BI.