Libo-libong mga mamamayan na naman ng dalawang EMBO (enlisted men's barrio) barangays ang nabigyan ng serbisyong medikal sa isinagawang Taguig Love Caravan sa Fort Bonifacio High School at Palar Open Basketball Court noong Pebrero 3, 2024.
1, 400 residente ng Barangay Post Proper Southside ang binigyan ng libreng konsultasyong medikal sa Palar Open Basketball Court sa Group 3, Scorpion Street, Barangay Southside.
407 namang residente ang nagpa-dentista, kasama na ang libreng pagpapabunot ng ngipin.
Ang mga residente naman na nakatanggap ng libreng gamot ay nasa 1,768, bukod pa sa libreng hearing aid, wheelchair at tungkod sa mga nangangailangan ng mga ito.
Samantala, ang mga residente ng Barangay Post Proper Northside ay napagsilbihan sa isinagawang Taguig Love Caravan sa Fort Bonifacio High School sa JP Rizal Extension, Barangay West Rembo kung saan 750 residente ang natingnan ng mga doktor at 144 naman ang nagpa-check up sa dentista at sumailalim sa dental procedures.
893 residente naman ng naturang barangay ang nakakuha ng libreng gamot sa botika sa naturang caravan.
Personal na bumisita si Taguig Mayor Lani Cayetano upang alamin ang kalagayan ng mga pumila para sa libreng konsultasyon, gamot, diagnostic services at mga tulong sa nutrisyon tulad ng libreng gulay mula sa Taguig Urban Farm.
May cooking demonstration pa upang turuan ang mga residente na magluto ng mga pagkaing makakatulong sa kalusugan.
Sinabi ni Cayetano na mag-iikot ang Taguig Love Caravan sa lahat ng mga barangay sa Taguig, kabilang na ang mga bagong residente ng lungsod na nasa EMBO barangays.
Maaari ring magtungo ang mga mamamayan ng Taguig sa pagamutang panglungsod na Taguig-Pateros District Hospital, sa 31 health centers, 7 primary care facilities, 3 super health centers na bukas 24/7, sa 5 animal bite centers, 3 pangunaging laboratoryo, 29 community-based laboratories at sa dialysis center nito.
(Mga larawan mula sa Taguig Public Information Office)
Libo-libong Residente ng Barangay Post Proper Northside at Southside, Nakinabang sa Taguig Love Caravan | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: