Simula Hulyo 1, 2024, sa loob ng 30 araw, hindi magbabayad ng toll fee ang lahat ng mga lalabas sa Cavite Expressway (CAVITEX).

Sinabi ng Cavite Infrastructure Corporation President at General Manager na si Raul Ignacio na makaraang makipagkonsultasyon sila sa Philippine Reclamation Authority (PRA) ay napagdesisyunan nilang ipatupad ang libreng toll fee bilang pagtugon sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kaugnay ng toll holiday sa CAVITEX C5 Link Segment 2.

News Image #1


Ang mga hindi magbabayad ng toll fee sa loob ng 30 araw ay ang mga lalabas sa Kawit, Paranaque, C5 Link segment Merville, Taguig at ang bagong binuksang Segment 2 o Sucat Interchange.

Sinabi ni Ignacio na bagaman at maaapektuhan ang kanilang kita, sinusuportahan nila ang desisyon upang makadaan ang mga motorista sa naturang expressway na walang aalalahanin.

Ang bagong CAVITEX C5 Link Sucat Interchange ay isang 1.9 kilometrong 2x3 lane expressway na nagkokonekta sa CAVITEX R-1 (Coastal Rd.) mula Parañaque Toll Plaza hanggang Sucat sa pamamagitan ng R-1 interchange. Mula sa isang oras, magiging 5 minuto na lamang ang pagba-biyahe rito.

Samantala, ang 1.3 kilometer, 2x2 lane CAVITEX-CALAX Link o CLink, ay mag-uugnay naman sa CAVITEX at sa Cavite-Laguna Expressway (CALAX). Inaasahang makukumpleto ito sa kalagitnaan ng 2025. Mapapagaan ang trapiko sa Tirona Highway at Centennial Road dahil dito.

Ang dalawang kilometro namang CAVITEX C5 Link Segment 3B ay magkokonekta sa CAVITEX Parañaque sa kanluran at sa C5 Road Taguig sa silangan, at magkukumpleto sa ginagawang CAVITEX C5 Link sa taong 2025.