May libreng generative AI skills development courses na iniaalok ang Google sa lahat ng mga Pilipinong nagnanais na paunlarin ang kanilang kaalaman sa Artificial Intelligence. (I-click ang video sa ibaba)



Kasabay ng pagdiriwang ng ika-dalawampu't limang taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Google, sa isang press conference sa Menarco Tower sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig, inanunsyo ni Yves Gonzalez, Google Philippines Head of Policy and Public Relations, na mayroon din silang tatlong bagong Google Career Certificates para sa mga gustong magtapos ng technology-related course online.

News Image #1


Inilunsad ng Google Cloud ang libreng generative AI skills development courses na kinabibilangan ng Introduction to Generative AI, Large Language Models, Responsible AI at iba pa.

Hindi lamang mapapataas ng mga Pilipino ang kanilang kaalaman sa AI kung hindi makakatulong din ito para sa pagpapaunlad sa kanilang propesyon o maaaring maging daan para sa bagong career.

News Image #2


Inilunsad din ang Google for AI Startups Cloud Program, kung saan ang mga nagsisimula ng kanilang kumpanya o career ay may pagkakataon nang makakuha sa mga kinakailangang cloud credits ng hanggang US$350,000 sa loob ng dalawang taon.

Ang programang ito ay magbibigay ng access sa mga AI experts, training, resources at networking opportunities.

Nagdagdag din ang Google ng tatlong kurso na maaaring enrol-an ng mga nagnanais matuto sa Business Intelligence, Advanced Data Anaytics at Cybersecurity, para sa kanilang Google Career Certificates program. Ang mga certificates na ito ay mga professional credentials na makakatulong sa mga tao, anuman ang natapos o trabaho ng mga ito, na magkaroon ng dagdag na skills sa mga digital fields na tulad ng IT support, UX Design, E-commerce at Digital Marketing.

Noong 2022, inanunsyo ng Google na magbibigay sila ng 39,000 Google Career Certificate scholarships upang tulungan ang mga Pilipino sa mga hindi nararating o napagsisilbihang komunidad na magkaroon ng digital skills. Paraan din ito para umangat ang mga Pilipinong manggagawa sa kanilang trabaho o career. Anim na libo na ang naka-graduate mula sa mga nabigyan ng scholarship.

News Image #3


Ngayong taon, ang kumpanya ay magpapalabas ng 1, 000 Google Career Certificate scholarships sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology at mga partner na non-government organizations.

I-click ang link na ito para sa libreng AI courses: https://www.cloudskillsboost.google

(Photos and Video by Vera Victoria)