Bilang pagkilala sa hindi matatawarang kontribusyon sa bansa ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at ng mga pamilya ng mga ito, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig sa pamamagitan ng Taguig OFW Affairs Office (TOFWAO) at City Health Office (CHO), ng isang Health Summit para sa OFWs at kanilang pamilya sa
Lakeshore Hall, Barangay Lower Bicutan noong Enero 17, 2025.
Layunin ng kaganapan na bigyan ng tulong at serbisyong pangkalusugan ang mga OFWs at kanilang pamilya.
Mahigit sa 600 OFWs at miyembro ng kanilang pamilya ang sumailalim sa konsultasyon at nakapagpa-test ng kanilang random blood sugat at cholesterol.
Naisailalim din sila sa tuberculosis screening at chest X-ray, nakapagpa-ECG test, breast examination at cervical cancer screening, at prostate cancer screening sa pamamagitan ng digital rectal examination.
Mayroon ding HIV, syphilis at Hepatitis-B screening bukod sa eye examination at pagpapasalamin at pagpapatingin sa dentista, pagpapabunot, paglilinis ng ngipin at paglalagay naman ng fluoride sa ngipin ng mga bata.
Mayroon ding mental health risk assessment at mga bitamina.
Ang lahat ng serbisyong ito ay ibinigay ng libre ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.
Tinulungan din ang mga OFWs at ang kanilang pamilya na magparehistro sa PhilHealth at gayundin sa Konsulta ng PhilHealth para kahit walang health summit ay tuloy tuloy pa rin ang kanilang pagpapatingin sa doktor sa pamamagitan ng PhilHealth membership.
Nagsagawa rin ng lecture kaugnay ng kalusugang pangkaisipan at nutrisyon.
Dumalo rito si Taguig City Mayor Lani Cayetano kung saan kanyang tiniyak ang walang tigil na suporta ng Taguig City sa kalusugan at kahusayan ng mga OFWs at kanilang pamilya.
"Nagagalak po ako bilang Punong Lungsod ng Taguig na makiisa sa isang programa na naglalayong maiparamdam sa ating mga OFWs at sa kanilang mga pamilya ang love and care ng City of Taguig, partikular sa aspeto ng kalusugan. Hayaan niyo po na ang Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang maghatid ng serbisyong medikal para sa inyo upang hindi na makadagdag pa ng mga alalahanin at gastusing medikal," ayon sa alkalde.
"Bahagi po ang inisyatibang ito sa Transformative, Lively, and Caring agenda ng City of Taguig. Nakapaloob po dito ang atensyon na ibinibigay natin sa healthcare para sa lahat. Kaya po ang tanging hiling ko po ay i-share niyo po itong serbisyo natin dahil ang goal po ng lokal na pamahalaan ay matamasa ng lahat ng OFWs at kanilang mga pamilya," dagdag pa nito.
Nakatanggap din ang mga dumalo sa Health Summit ng bigas, toothbrush, toothpaste, iodized salt at pamaypay.
Sinabi ni Marites Frilles, nagtrabaho ng mahigit 20 taon bilang yaya sa Dubai at residente ng Barangay Wawa, na napakahalaga ng health summit sa kanila dahil hindi aniya biro ang gastusin sa kalusugan.
(Mga larawan mula sa Taguig PIO)
Libreng Serbisyong Medikal at Pagtuturo sa Kalusugan, Naibigay sa Mahigit 600 OFWs at Kanilang Pamilya sa Health Summit ng Taguig City | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: