Pinag-isang dibdib ang 50 mag-partner na Taguigeño sa isang Kasalang Bayan na isinagawa sa Upper Bicutan Multipurpose Hall sa Taguig City kahapon, Nobyembre 20, 2024.
Ang alkalde ng Taguig City, Lani Cayetano, ang nagkasal sa mga magkakatipan na pinayuhan ang mga ito kaugnay ng kanilang sumpaan sa kasal.
"The vows you're about to make are not to be done without careful thought and prayer. For with them, you are committing yourselves exclusively to one another for as long as you both shall live. Ibig sabihin, hindi lang po sana pinag-isipan, kundi taimtim na ipinanalangin ang inyong pagpapasya na kayo ay aking ikasal. Bilang mananampalataya ni Kristo Hesus, kinikilala po natin na ang Panginoon ang siyang may takda ng kasal," ang pahayag ni Cayetano.
May regalo pa ang Pamahalaang Lungsod sa 50 bagong mag-asawa na tig-25 kilo ng bigas at naka-frame na litrato ng kanilang kasal.
Bukod dito, ang Civil Registry Office naman ang nagbigay ng mga ginamit na simbolismo sa kasal tulad ng aras at kandila at mayroon ding cake sa kanilang reception.
Kabilang sa mga ikinasal ay sina Renato at Rosario Peregrina na 37 taon nang nagsasama na hindi kasal.
May mga senior citizens din na ikinasal, sina Wilfredo Arellano na 60 taong gulang at Marilou Arellano na 61 taong gulang. Sinabi ni Wilfredo na noong kanilang kabataan, madalas niyang bigyan ng rosas si Marilou makaraang siya ay maglro ng basketball. Matagal na aniya nilang pangarap na makasal at nagpapasalamat sila na natupad na ito ngayon.
(Mga larawan ng Taguig PIO)
Limampung Mg-Partner na Taguigeño, Ikinasal sa Kasalang Bayan sa Taguig | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: