Sinuspinde ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng driver ng pulang sasakyan na tumangay sa isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa hood nito habang tumatakas sa isang banggaang kinasangkutan nito sa Taguig City.

News Image #1

(Screenshot mula sa video ni Bhadong Caldozo)

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ang 90-day preventive suspension sa driver's license ng sangkot sa marahas na pangyayari sa Sales-East Service Road Barangay Western Bicutan noong Agosto 27, 2024, ang kanilang tugon sa reklamong inihain sa kanila ng MMDA.


(Video ni Bhadong Caldozo)

Tiniyak ni Mendoza na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa pangyayari at inilagay na rin sa alarma ang pulang sasakyan.

Nagpalabas din ng show cause order (SCO) ang LTO sa may-ari ng sasakyan at sa asawa nitong nag-drive ng naturang sasakyan nang maganap ang banggaan nito at ng isang motorsiklo at ang pagtakas ng driver makaraan ang pangyayari kung saan natangay nito ang MMDA traffic enforcer na si Allan Harry Sadiua.


(Video mula sa Facebook page ng MMDA)

Inatasan ang dalawa na humarap sa opisina ng LTO sa East Avenue, Quezon City sa Setyembre 3, 2024 upang magpaliwanag at sabihin kung bakit hindi sila dapat parusahan.

Mahaharap ang driver sa kasong reckless driving, kabiguan na sumunod sa nararapat kapag nasangkot ang driver sa isang aksidente at hindi karapat-dapat na magmaneho ng sasakyan, ayon sa LTO.

Una rito, ang MMDA ay nagbabalak na sampahan ang driver ng kasong attempted homicide dahil nalagay sa panganib ang buhay nu Sadiua.

News Image #2

(Larawan ng MMDA)

Sinabi ng LTO na batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang pulang sasakyan ay nakabangga ng isang motorsiklo sa East Service Road na malapit na sa Nichols-Philippine National Railwar Station sa Taguig City noong Martes.

Iniharang ng rider ng motorsiklo ang kanyang sasakyan sa naturang pulang sasakyan dahil naramdaman nitong magtatangka ang driver na tumakas. Binangga ulit ng pulang sasakyan ang motorsiko at tumakas.

Gayunman, nakita ni Sadiua ang pangyayari at tinangka nitong pigilin ang driver ng sasakyan. Hindi ito inalintana ng driver at nagpatuloy sa pagtakas hanggang sa matangay niya ang traffic enforcer na napilitang kumapit sa hood ng sasakyan.

Umabot pa ng 500 metro bago nakababa ang traffic enforcer sa hood nang bumagal ang takbo nito dahil sa trapiko. Pagkababa ng enforcer, humarurot ulit paalis ang pulang sasakyan.