Binaha ang malaking bahagi ng Taguig City, kabilang ang bahagi ng Bicutan na nasa South Luzon Expressway (SLEX) na naging dahilan ng pagtirik ng maraming sasakyan at pagbubuhol-buhol ng daloy ng trapiko ngayong araw, Hulyo 13.

Bumigat din ang daloy ng trapiko sa C5 southbound at General Santos Avenue malapit sa opisina ng Department of Science and Technology patungong Paranaque dahil sa pagbabaha.

News Image #1


Ito ay bunga ng patuloy na pag-ulan na dulot ng magkasanib na low pressure area at habagat.

Sinabi ng Office of the Civil Defense - National Capital Region na ang pagbabaha ay napalala ng pansamantalang pagsasara ng ilang drainage system dahil sa isinagasawang konstruksyon sa daan sa nasabing lugar.

Sinuspinde na rin ng Taguig City government ang panghapong klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa kabuuan ng lungsod. Otomatiko itong sinuspinde kasunog ng yellow rainfall warning na inilabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

News Image #2


Binuksan ng Taguig ang kanilang Facebook Pages na TOWER o Taguig Open Weather & Environmental Reporting System at I Love Taguig para sa mga nagnanais na mag-ulat o humingi ng tulong kaugnay ng pagbabaha at patuloy na pag-ulan. Inanunsyo rin ang mga emergency numbers na maaaring tawagan tulad ng kanilang Command Center sa (02) 8789-3200, Taguig Rescue sa 0919-070-3112 at ang Taguig Police sa (02) 8642-3582 at 0998-598-7932.


Bukod dito, naglabas din ng anunsyo ang Taguig City Government kaugnay ng kahandaan ng libreng gamot para sa leptospirosis sa mga barangay health centers sakaling kailanganing lumusong sa baha ang mga taga-Taguig. Ang gamot ay ibinibigay sa edad siyam pataas. Hindi ito maaaring ibigay sa mga buntis at nagpapadede ng bata.
Binuksan din ng Taguig ang kanilang Telemed hotlines para sa gustong magpakonsulta sakaling magkasakit dahil sa ulan at baha. Maaaring tawagan ang mga Family Medicine doctors sa 0961.704.4384.

News Image #3


(Larawan mula sa I Love Taguig FB page at Rico Cabusas Mabida)