Dalawampung porsiyento ang madidiskwento ng mga maagang magbabayad ng kanilang real property taxes bago o sa mismong Disyembre 28, 2024.

News Image #1

(Larawan ng Taguig PIO)

Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Taguig, maaaring magbayad sa Taguig City Hall Auditorium na nasa Main Building sa General Luna, Barangay Tuktukan, Taguig City.

Gayundin, maaaring magbayad sa SM Aura satellite office ng Pamahalaang Lungsod na nasa 9th floor ng AM Aura Tower, McKinley Parkway, Barangay Fort Bonifacio, Taguig City.

Bukas ang mga sentro ng bayaran tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon maliban na lamang kapag Linggo at piyesta opisyal.

Kinakailangang dalhin ang pinakahuling resibo sa pagbabayad ng real property tax at kopya ng pinakahuling Tax Declaration.

Kung walang madadala sa mga naturang requirements, maaaring magtungo sa City Assessor's window upang makuha ang kopya ng Tax Declaration.

Kukunin ang Notice of Assessment at ipapakita sa kahera para sa pagbabayad.

Maaaring magbayad ng cash, credit o debit card, Manager's Check o Cashier's Check na ang ilalagay ay payable to the order of Taguig City Treasurer.

Maaari ring gamitin ang iba pang payment channels.

Ang Taguig City ay ginawaran na ng parangal sa kanilang kahusayan sa pamamahala sa buwis sa negosyo at real property.

Nagwagi ang Taguig ng ikatlong puwesto sa local source revenue collections para sa taong 2022 at 2023 na iginawad ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) sa kanilang 37th Anniversary Stakeholders' Recognition.

Pumangapat naman sila sa taunang paglago ng local source revenue, ikaapat na puwesto sa ratio ng "local source revenue to total current operating income," at panglima sa "ratio of local source revenue to total current operating income."

Noon namang 2023, Taguig ay nagranggont pangatlo sa pinakamataas na kinitang local government unit kung saan kumita ito ng P13.54 billion sa buwis.