Aprubado na ang pautang na $188.18 milyon (mahigit sa P11 bilyon) para sa pagpapagawa ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) Phase 1 batay sa desisyon ng Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) ng China noong Disyembre 9, 2024.

News Image #1

(Larawan ng Department of Public Works and Highways)

Ang financing program na ito ng AIIB ay bahagi ng dalawang pautang sa Pilipinas na mahigit sa P13.6 bilyon upang suportahan ang "Build Better More" program ng pamahalaang Marcos.

Mapopondohan nito ang 37.5 kilometrong LLRN na tutulong upang mas mapabilis ang daloy ng trapiko sa Metro Manila at ang mga lugar na nakapaikot sa Laguna de Bay.

Kabilang sa mga madadaanan ng Phase 1 ng LLRN ay ang mga nasa kanlurang baybayin ng Laguna de Bay, mula sa Barangay Lower Bicutan sa Taguig City, na tatagos sa Muntinlupa; San Pedro, Biñan, Sta. Rosa, Cabuyao, at ang pinakadulo ay sa Calamba, Laguna.

Sinabi ng AIIB sa kanilang website na ang pagtulong nila sa pagpondo sa unang bahagi ng LLRN "shall finance the first group of the civil works and consulting service contracts awarded to this project aimed at improving urban mobility not only in Metro Manila but also in areas surrounding Laguna de Bay."

Una rito, nilagdaan ng Asian Development Bank (ADB) at ng pamahalaan ng Pilipinas noong isang buwan ang naturang kasunduang pautang para sa mahigit $1.69-billion (o nasa P100-billion) tulong na pondo para palawigin pa ang C6 Road na nasa tabi ng lawa upang mabawasan ang oras ng pagba-biyahe mula sa Barangay Lower Bicutan, Taguig City hanggang Calamba City sa Laguna Province lalo na sa rush hour.

Samantala ang hilagang bahagi ng LLRN na 7.9 kilometrong daan naman ay popondohan ng Export-Import Bank of Korea o Korea Eximbank's Economic Development Cooperation Fund (KEXIM-EDCF) na nagkakahalaga ng $904.35 milyon.

Maglalabas din ang pamahalaan ng mga $6 milyon (o mahigit sa P351 bilyon) mula sa $50 milyon (mahigit sa P2.9-billion) na kabuuang halaga ng proyekto para sa FAST-Infra.