Arestado ang isang welder makaraang magtangkang magbenta ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay West Rembo, Taguig City noong Hulyo 22, 2024.

News Image #1

(Larawan mula sa Southern Police District)

Kinilala ng Southern Police District (SPD) ang inaresto na si alyas Sunny, 41 taong gulang, na naaresto sa operasyon sa Napindan Site, Barangay West Rembo, Taguig City bandang alas 10:00 ng gabi noong Lunes.

Ang Taguig Police Drug Enforcement Unit ang nagsagawa ng buy-bust operation kung saan nakumpiska kay Sunny ang hinihinalang shabu na may timbang na 22.5 gramo at tinatayang nasa P153,000 ang halaga. Nabawi rin ang P500 tunay na pera at P7, 000 boodle money.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Mahigit sa tatlong milyong pisong shabu naman ang nakumpiska sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Taguig City noong Miyerkules, Hulyo 17, 2024.

Sa Barangay Ususan, nakumpiska ng mga pulis ang may 400 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2.72 milyon mula sa dalawang kababaihan na sina Elizabeth Villanueva, 26 taong gulang, at Clarita Corpuz, 58 taong gulang.

Nakalagay sa isang plastic bag na may tatak na Guanyinwang, isang brand ng tsaa, ang naturang ipinagbabawal na gamot.

Samantala, sa Barangay San Miguel naman noon ding Miyerkules ay naaresto si Michael Gardon dahil sa 50 gramo ng shabu.

Hinarapan na rin ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong suspek.