Tig-sa-sampung libong piso ang natanggap na allowance ng umabot sa 9,746 high school students sa Taguig City sa apat na araw na distribusyon ng Taguig Learners' Certificate (TLC) Scholarship Allowance na natapos noong Pebrero 5 sa Taguig City University Auditorium.

News Image #1


Ito ay bukod pa sa tulong na P18, 000 sa martrikula ng pamahalaang lungsod ng Taguig sa mga nagtapos ng elementary sa pampublikong eskwelahan na nagnanais na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa partner nitong pribadong high school.

Ang P10, 000 allowance ay para sagutin ang mga dagdag na binabayaran sa eskwelahan ng mgaTLC scholars.

Sa isinagawang pamamahagi ng scholarship allowance, binigyang diin ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang kahalagahan ng pangangalaga ng mga estudyante sa karunungan, kabutihan at pagrespeto sa kapwa.

News Image #2


"Gusto ko sana na kayo ang maging role model ng ibang mga kabataan. Gusto ko na kapag nakikita kayo ng ibang bata na kasing edad ninyo sa inyong community, magiging mabuting ehemplo kayo ng mahusay, responsable, at magalang na kabataan," ayon kay Cayetano.

Nagpasalamat naman ang estudyante sa Grade 7 na si Joshua Bibit ng HSL Braille College dahil ang TLC scholarship ay nakakatulong ng malaki sa problema sa pinansiyal ng kanyang pamilya. Aniya, hindi na maghahagilap ang kanyang mga magulang ng pambili ng materyales sa eskwelahan.

Sinabi naman ni Macxeen Tatualla ng Bicutan Parochial School na malaking tulong ang ibinibigay ng Taguig City government sa mga estudyanteng katulad niya.

"Masasabi ko po na pinakamagandang city ang Taguig sa buong bansa dahil sa labis labis na pagpapahalaga nito sa edukasyon ng mga kabataan," ayon kay Tatualla.

(Larawan mula sa Taguig Public Information Office)