Ang city councilors at miyembro ng Kongreso ay kapwa inihahalal ng legislative districts kaya't kung papayagan ang mga botante ng EMBO (enlisted men's barrio) barangays na makaboto ng konsehal, kailangan ding payagan silang makaboto para sa kanilang congressional representative.

Pahayag ito ni Makati Mayor Abby Binay makaraang sabihin ng Commission on Elections (Comelec) na makakaboto ang mga EMBO barangays para sa kanilang mga konsehal sa Lungsod ng Taguig, kasama ang Mayor at Vice Mayor at party-list representatives subalit hindi sila makakaboto ng kanilang kongresista.


News Image #1

(Larawan mula sa My Makati Page)

Ayon kay Binay, ang city councilors at miyembro ng Kongreso ay parehong inihahalal ng legislative districts, kaya't sa pagpayag ng Comelec sa mga taga-EMBO na iboto ang kanilang mga konsehal, dapat din silang payagang bumoto para sa kanilang congressional representative.

Sinabi rin ng alkalde na dapat ipaglaban ng Taguig ang karapatan ng mga residente ng EMBO na iboto ang kanilang congressional representative.

Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na hindi pa matukoy kung ano sa dalawang distrito ng Taguig ang nakakasakop sa EMBO lalo na at wala naman ito sa listahan ng anumang distrito ng Taguig. Naniniwala si Garcia na kailangan na isabatas sa Kongreso ang desisyon sa makakasakop sa sampung EMBO barangays o lumikha ng ikatlong distrito sa Taguig.

News Image #2

(Larawan mula sa I Love Taguig Page)

Ang EMBO Barangays ay dating nasasakupan ng ikalawang distrito ng Makati City kung saan ang kanilang kongresista ay si Representative Luis Campos, Jr., ang asawa ni Mayor Binay.

News Image #3

(Larawan mula sa My Makati FB Page)

Nang magdesisyon ang Korte Suprema na ilipat sa hurisdiksyon ng Taguig, dahil ito, ayon sa korte, ang tunay na nakakasakop sa mga naturang barangay at sa Bonifacio Global City, natanggal sa ikalawang distrito ng Makati ang EMBO barangays.

Ang 10 EMBO barangays ay ang sumusunod: Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside.